By Bombo Ponciano ‘John’ Melo Jr -November 4, 2019 | 6:35 PM
Hindi hinayaan ni Saul “Canelo” Alvarez na umabot pa sa scorecards ang laban matapos i-knockout si Sergey Kovalev sa 11th round para sa kanilang light heavyweight title match, ang main event sa MGM Grand Arena.
Isang malakas na left hook ang binitawan ni Canelo upang mahilo ang kalaban bago sundan ng isa pang straight right hand na naging sanhi nang pagtulog ni Kovalev sa lubid ng ring.
Dahil sa nakuhang light heavyweight belt ni Canelo ay kasama na siya mga boksingerong Mehikano na humawak ng apat na titulo sa iba’t ibang dibisyon.
Nariyan sina Juan Manuel Marquez, Jorge Arce, Erik Morales at ang Mexican-American na si Oscar Dela Hoya, na siya ring may-ari ng Golden Boy Promotions, ang promoter ng labanang Canelo-Kovalev.
Patuloy ang pag-ukit ng 29-anyos na si Canelo sa kanyang kasaysayan sa boxing at muli nitong pinatunayan na sya ng best pound-for-pound boxer sa buong mundo.
Nakwestyon bago mangyari ang labanan ay ang kanilang timbang dahil umakyat ng dalawang dibisyon si Alvarez, mula middleweight patungong light heavy, upang hamunin ang dating kampeyon na si Kovalev ng Russia.
Si Canelo pa lamang ang pangalawang nakagawa nito matapos unang gawin ni boxing great Bernard Hopkins noong 2011.
Bukod pa rito ay sya rin ang pangalawang Meksikano sunod kay Andy Ruiz Jr., na naging kampeyon sa heavyweight division.