562

By Bombo Ponciano ‘John’ Melo Jr -July 11, 2019 | 3:04 PM

https://www.bomboradyo.com/pacquiao-this-fight-is-not-going-the-distance/

LOS ANGELES – Nagpakitang gilas si Sen. Manny Pacquiao (61-7-2, 39 KOs) sa international press kaugnay ng kanyang media day na ginanap sa Wild Card Gym.

Ang aktibidad sa training camp ay ginanap 10 araw bago ang harapan nila ni Keith Thurman (29-0-0, 22 KOs) sa July 21 sa MGM Grand sa Las Vegas.

Kabilang sa ipinakita ni Pacman sa mga mamamahayag ang kanyang tip top condition lalo na ang ilang minutong shadow boxing at work out nila ni coach Freddie Roach sa mitts.

Sa kuwento sa Bombo Radyo ni Mike Quidilla, isa sa mga miyembro ng Team Pacquiao, pinahanga umano ng pambansang kamao ang bumuhos na dayuhang mga mamamahayag na kahit sa edad na 40-anyos ay matindi pa rin ang kanyang ibubuga.

“Kondisyon na kondisyon na siya, ready to rumble na. Napakabilis niya. Excited siya dahil sa na-challenge siya sa mga hamon ni Thurman na magbe-bet ng US$10,000 sa second round ma-knock niya si Manny. Lalo siyang na-challenge kaya nag-ensayo siya ng maigi. Ang ganda ng perfomance niya kanina. Napakagaling. Kaya ‘yang si Thurman mapapahiya ‘yan,” kuwento pa ni Quidilla. “Yong mga punches ni Manny grabe talaga. Parang niyayanig ‘yong building sa sobrang lakas talaga.”

Samantala tulad ng tradisyon, pinaunlakan ni Manny ng interview ang mga mamamahayag kaugnay sa kanyang mga pananaw habang nalalapit ang laban.

Gayunman umiwas pa ring magbigay ng prediksiyon ang fighting senator.

Liban lamang sa pagsasabing, hindi aabot sa 12 rounds ang itatagal ng kanilang bakbakan.

Ang mga naging pahayag ni Pacman ay taliwas naman sa pagyayabang ni Thurman, 30, na kanyang ginawa sa hiwalay nitong media work out sa Florida.

Ani Thurman, hanggang six round lamang daw at tatapusin na niya ang laban.

Sa kabilang dako, iginiit naman ng Pinoy ring icon na mas matinding Thurman ang kanyang makakaharap na iba sa huling laban noong buwan ng Enero.

Inihalintulad pa ni Manny ang undefeated WBA champion sa istilo noon ni Ricky Hatton na pinatulog niya sa pamamagitan ng single punch noong taong 2009.

“Thurman reminds me the most of Ricky Hatton, of fighters that I’ve faced. Will it be the same result? You never know,” wika pa ni Sen. Pacquiao. “It’s going to be another page of my story on Saturday, July 20. There’s a big chance that this fight is not going the distance. I’ll be prepared, but I’m thinking it’s not going 12 rounds.”

Nagsilbi namang sidelight sa media day ni Pacquiao ang agaw atensyon na biglang pagdating ng kilalang Ghanaian-American actor and comedian na si Michael Blackson.

Liban sa picture taking nakipagbiruan pa ito kay Manny.

Si Jackson ay lumabas na rin sa ilang pelikula at noong 2011 naging bahagi siya sa Starz’s Martin Lawrence Presents: 1st Amendment Stand-up at sa Showtime na Shaquille O’Neal Presents All Star Comedy Jam.

Share
Go top