By Bombo Ponciano ‘John’ Melo Jr -July 10, 2019 | 9:05 AM
https://www.bomboradyo.com/father-and-son-na-sina-pacquiao-at-jimuel-agaw-pansin-sa-wild-card-gym/
LOS ANGELES – Agaw atensiyon sa Wild Card Gym si Emmanuel “Jimuel” Pacquiao nang sabayan ang ama sa training session habang naghahanda sa laban kay Keith Thurman.
Ang 18-anyos at panganay ni Sen. Pacquiao ay unti-unti na ring sumusunod sa yapak ng sikat na ama lalo na at nagsimula na itong maging isang amateur boxer sa kanyang school.
Ang tanawin tuloy sa pamosong boxing gym ng Hall of Famer trainer Freddie Roach
ay nagmistulang “present” at “future” ng Philippine boxing dahil sa magkasabay
na presensiya ng mag-ama.
Una nang sinabi ni ni Pacman at Jinkee na kung sila ang tatanungin ay ayaw nila na maging boksingero rin si Jimuel at mas mabuting tumulong na lamang ito sa pamamahala sa kanilang negosyo.
Pero sagot naman ng anak, “passion” niya ang maging isang boxer, bagay na walang magawa tuloy ngayon ang mga magulang.
Napansin naman ng Bombo Radyo na habang may session sa mitts ang Pinoy ring icon sa itaas ng lona kasama si Roach, sumabay din si Jimuel at kasama si Marvin Somodio para sa kanilang hiwalay na workout.
Ang father and son tandem ay nagsabay din sa ensayo sa heavy bags, habang in between rounds ay nagbibigay ng kanyang ilang tips ang fighting senator.
Sinundan din ito ng sit ups, shadow boxing at iba pa.
Isa pa sa nakaagaw din ng pansin ay ang pagkakaibigan nin Jimuel at anak ni Buboy Fernadez na si Paul.
Kung maaalala mula pa sa pagkabata ay pinatibay na ng panahon sa hirap at ginhawa hanggang sa mga tagumpay ang kumbinasyon na Pacquiao at Buboy.
Samantala ang pagtungo sa Amerika ng buong pamilya ni Manny ay nagsisilbing dagdag inspirasyon at pabuwenas sa nalalapit na bigating laban sa mas bata at undefeated American champion na si Thurman.
Nitong nakalipas na araw ipinasyal din ng pambansang kamao sa Universal Studios ang kanyang mga anak.