472

By Bombo Ponciano ‘John’ Melo Jr -July 4, 2019 | 3:07 PM

https://www.bomboradyo.com/mannys-really-hungry-for-a-knockout-roach/

Habang papalapit ang labanan patuloy din naman ang “pagpapatama” ng World Boxing Association super welterweight champion na si Keith “One Time” Thurman sa pambansang kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao.

Sa kanyang huling Instagram live na kuha habang papunta sa kanilang interview ni Pacquiao sa Los Angeles, patuloy nitong kinukwestyon ang balak na pagreretiro ng fighting senator.


Ilang beses na rin kasing naging usap-usapan ang isyu tungkol sa nalalapit na raw ang pagreretiro ni Pacquiao.

Ngunit matapos ngang matalo sa kanyang laban kay Jeff Horn noong Hulyo 2017, mariin nitong sinabi na ipagpapatuloy pa rin ang career sa pagboboksing.

“I love this sport and until the passion is gone, I will continue to fight for God, my family, my fans and my country,” ani Pacquiao.

Dagdag naman ng wala pang talo na si Thurman, handa na nitong harapin ang susunod nitong napipisil na kalabanin na si Errol Pence na nakatakdang harapin si Shawn Porter sa Setyembre.

Samantala, nanatiling kibit-balikat lamang ang sagot ng eight-division world champion sa mga pasaring ni Thurman.

Sa halip aniya ayon sa batikang boksingero ay gagamitin niya ang mga batikos bilang inspirasyon sa kanyang nalalapit na laban.

Ngunit ayon naman sa CEO ng Mayweather Promotions na si Leonard Ellerbe sa isang video mula sa Fighthype.com, dapat na maging maingat si Thurman sa kanyang mga binibitawang pambabatikos sa pambansang kamao.

“But he’s fighting a straight dog in Manny Pacquiao who’s at 40 years old. To even be having a conversation that can a 40-year old beat a 30-year old, that tells you what kind of level or respect that the fans have for Manny Pacquiao and the accomplishments that he has,” dagdag nito.

“My message to Keith, I can tell you firsthand: it’s a little different how it looks when you first get up in there,” wika pa ni Ellerbe.

Sa estado ni Pacquiao, palagi na ring napatunayan na hindi nakakaapekto ang kanyang edad sa kanyang career sa pagboboksing hanggang sa ngayon.

Patunay nito ay ang kanyang dalawang huling laban kay Lucas Matthysse at Adrien Broner.

Mataas naman ang kumpiyansa ni Thurman na kaya niyang patumbahin si Pacquiao sa kanilang nalalapit na laban.

Samantala, sa kabila rin ng mga pasaring ni Thurman, mas kumpiyansa ang trainer ni Pacquaio na si Freddie Roach na hindi mapapatumba ng kalaban ang pambansang kamao.

Ani Roach, gutom si Pacquiao sa knockout at hindi imposibleng mapatumba nito si Thurman.

“I think we’ll knock him out along the way. I think that Manny’s really hungry for a knockout, I’m really hungry for a knockout. We’ve never knocked anyone out at 147, and that’s something we need to do,” sagot nito sa isang interview mula sa Fight Hub TV.

Banat naman ng huli, kaya niyang ma-knockout si Pacquiao nang hindi lalagpas sa ikalawa o ikatlong round.

Sa kasalukuyan, may 61 na ring panalo ang Pinoy ring icon at 39 dito ay via knockout.

Sa kabilang dako ay may 22 knockouts mula sa 29 na panalo si Thurman.

Share
Go top