By Bombo Ponciano ‘John’ Melo Jr -November 6, 2019 | 12:03 PM
Patuloy ang pananalasa ng four-time MVP na si LeBron James matapos pomoste ng tatlong sunod na triple-double performance upang itulak ang Los Angeles Lakers kontra Chicago Bulls, 118-112, para sa isang come-from-behind na panalo.
Nagbuhos ng 38 puntos sa fourth quarter ang dayong Lakers para tuluyang patahimikin ang Chicago arena.
Gumawa si James ng 30 puntos, 10 rebounds at 11 assists, ang kanyang ikatlong sunod na triple-double ngayong season.
Wala sa hulog ang LAL sa unang bahagi ng laro na siyang sinamantala ng Chicago sa pangunguna ni rookie Coby White upang itala ang kanilang pinakamalaking kalamangan na 19 na puntos.
Napanatili ng Bulls ang double-digit na kalamangan sa third quarter bago tuluyang kumagat ang depensa at opensa ng Lakers sa huling yugto para sa 38-19 scoring.
Umiskor ng 17 puntos mula sa bench ang dating Golden State Warriors guard na si Quinn Cook para suportahan si LeBron samantalang naka-15 naman si Davis na tahimik ang laro sa first half.
May 26 na puntos si Chicago Bulls Zach Lavine samahan pa ng pitong rebounds at pitong assists ngunit bigo para sa panalo.
Patuloy ang magandang simula ng Lakers na ngayon ay nasa 6-1 win-loss record halos kabaliktaran ng Bulls na may 2-6.
Matapos ang tatlong matagumpay na road games ay babalik sa kanilang homecourt ang Lakers, ang Staple Centers, upang harapin bibisitang Miami Heat sa Sabado (PH time).
Babiyahe naman ang Bulls patungong Atlanta bukas para sa kanilang road game.