Ani Bobby, patuloy pa rin ang kanilang pag-eensayo bago tumungo sa mas puspusan pang parte ng training camp bilang paghahanda para sa laban kay Keith Thurman Jr. sa darating na July 21 sa MGM Grand Las Vegas, Nevada.
“Para sa akin mga 88-89% na ang conditioning niya,” ani Bobby sa isang interbyu sa mansyon ni Manny sa Los Angeles. “Medyo malayo pa naman ang laban kaya ‘di pa todo-todo pa ang training.”
Aniya, kada umaga raw ay nagjo-jogging sila kasama ang kapatid at ang lupon ng mga supporters, trainers, at kung minsan, ilang miyembro ng international media sa Griffith Park.
Pagkatapos naman nito ay tutungo sila sa hapon papunta naman ng Wild Card Gym para ituloy ang buong araw na training.
Ang training camp ng eight-division world champion ay tatagal ng anim na linggo na nagsimula mula sa kanyang light training sa Pilipinas kamakailan.
Dagdag pa ni Bobby, mga strategy at technique na ang kanilang focus ngayon upang mahasa ang diskarte na magpapatumba sa undefeated na Amerikanong boxer.
Gayundin ang pagsasanay sa mga depensa na magbibigay proteksiyon mula sa mga atake ng kalaban.
“Meron tayong mga game plan na ginagawa para kay Thurman kase hindi rin basta-basta itong kalaban na ito. Napakalakas niya,” sambit pa ni Bobby. “Medyo iba rin ang style nito doon sa mga nakalaban na ni Manny. Ginagawa namin ang lahat para maproteksyunan ni Manny ang sarili niya para sa darating na laban.”
Tinukoy pa nito na kahit na mas bata ang makakalaban sa edad na 30-anyos, current champion at wala pang dungis ang record, kumpiyansa naman ang dati ring boxer na si Bobby sa magiging performance ng kanyang utol sa ring.
“Nakikita naman natin ang performance niya sa training, nakikita naman natin ‘yong galawan niya, ‘yong movemen niya napakabilis. Medyo mild lang muna ngayon kase malayo pa naman. Maintain lang natin ang strategy,” pagtatapat pa ng incoming congressman.
Sa kasalukuyan, may 61 na ring panalo ang Pinoy ring icon at 39 dito ay via knockout.
Sa kabilang dako ay may 22 knockouts mula sa 29 na panalo si Thurman.