Araw na lang ang bibilangin bago ang nalalapit na bakbakang Pacquiao-Thurman na magaganap sa Hulyo 20, 2019 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Ngunit habang papalapit ang labanan, patuloy pa rin ang pagpapatama ng World Boxing Association super welterweight champion na si Keith “One Time” Thurman sa Pambansang Kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao.
Sa kanyang huling Instagram live na kuha habang papunta sa kanilang interview ni Pacquiao sa Los Angeles, patuloy nitong kinukwestyon ang balak na pagreretiro ng professional boxer.
Ilang beses nang naging usap-usapan ang isyu tungkol sa nalalapit na pagreretiro ni Pacquiao ngunit matapos nitong matalo sa kanyang laban kay Jeff Horn noong Hulyo 2017, mariin nitong sinabi na ipagpapatuloy nito ang kanyang pagboboksing.
“I love this sport and until the passion is gone, I will continue to fight for God, my family, my fans and my country,” ani nito.
Dagdag naman ng wala pang talo na si Thurman ay handa na nitong harapin ang susunod nitong napipisil na kalabanin na si Errol Pence na nakatakdang kalabanin si Shawn Porter sa Setyembre.
Samantala, nanatitiling kibit-balikat lamang ang sagot ng eight-division world champion sa mga pasaring ni Thurman. Sa halip, ani ng batikang boksingero ay gagamitin niya ang mga pambabato nitong bilang inspirasyon sa kanyang nalalapit na laban.
Ngunit ayon naman sa CEO ng Mayweather Promotions na si Leonard Ellerbe sa isang video mula na galing sa Fighthype.com, dapat na maging maingat si Thurman sa kanyang mga binibitawang pambabatikos sa Pambansang Kamao.
“But he’s fighting a straight dog in Manny Pacquiao who’s at 40 years old. To even be having a conversation that can a 40-year old beat a 30-year old, that tells you what kind of level or respect that the fans have for Manny Pacquiao and the accomplishments that he has,” dagdag nito.
Sa kasalukuyan, may 61 na panalo ang boksingero at 39 nito ay by knockout. Samantala, may 22 knockouts mula sa 29 na panalo si Thurman.
“My message to Keith, I can tell you firsthand: it’s a little different how it looks when you first get up in there,” ani Ellerbe.
Bagama’t nasa edad na 40 na si Pacquiao, mariin nitong napatunayan na hindi nakakaapekto ang kanyang edad sa kanyang galing sa pagboboksing. Patunay nito ay ang kanyang dalawang huling laban kay Lucas Matthysse at Adrien Broner.
Mataas naman ang kumpiyansa ni Thurman na kaya niyang patumbahin si Pacquiao sa kanilang nalalapit na laban.
Samantala, sa kabila ng mga pasaring ni Thurman, mas kumpiyansa ang trainer ni Pacquaio na si Freddie Roach na hindi mapapatumba ng kalaban ang Pambansang Kamao.
Ani Roach, gutom si Pacquiao sa knockout at hindi imposibleng mapatumba nito si Thurman.
“I think we’ll knock him out along the way. I think that Manny’s really hungry for a knockout, I’m really hungry for a knockout. We’ve never knocked anyone out at 147, and that’s something we need to do,” sagot nito sa isang interview mula sa Fight Hub TV.
Banat naman ng huli, kaya niyang ma-knockout si Pacquiao nang hindi lalagpas sa ikalawa o ikatlong round.