411

Ngayong nalalapit na sa dulo ang makulay na karera ng Pambansang Kamao, marami ang gustong sumunod sa yapak ni Manny Pacquiao.

Matapos mabansagang “Pound for Pound King”, tuloy pa rin ang pagsabak ni PacMan sa loob ng boxing ring. Sa edad na 40, matindi pa din ang uhaw ni Pacquiao na makipaglaban sa mga “elite boxers”.

Pero matindi pa din ang tanong ng mga tao kung sino nga ba ang susunod sa maalamat na career ni PacMan.

Noong nakaraang mga linggo, usap-usapan sa internet ang lumabas na video ng kanyang panganay na anak na si Jimuel na nakikipagbakbakan sa loob ng ring kung saan nabanggit ng ilang eksperto na nakikitaan ng kakaibang potensyal sa larangan ng boksing ang batang Pacquiao.

Dahil na rin sa kinalakihang buhay na napapanuod ang ama na si Manny, hindi nalalayong sundan nga ng isa sa kanyang mga anak ang tinahak niyang landas pagdating sa isport.

Sa katunayan, tatlong sunod na panalo na at wala pang talo ang fresh high school graduate na si Jimuel. 

Tatlong panalo at dalawang linggo bago ang nalalapit na laban ng amang si Manny kasalungat si Keith Thurman Jr. sa July 20 (US Time), nagpakitang gilas ang teenager sa loob ng ring. 

Kamakailan ay nakuha niya ang 3-0 amateur boxing record kontra Darel Marquez sa Muntinlupa. 

Ani Jimuel matapos ng laban ay hilig niya talaga ang pagboboksing at nagpursigi siya sa training bago ang laban. Kasama naman na nagchi-cheer sa nakababatang Pacquiao ang lolang si Mommy Dionisia Pacquiao. 

Kung ang kanyang ama naman naman ang tatanungin mas gusto niyang iwasan ng mga anak ang boksing dahil sa hirap na kailangan pagdaanan niya noong nagsisimula pa lamang siya sa propesyon. 

Ngunit sabi naman ni PacMan sa ilang mga panayam ay hindi niya magawang pigilan ng tuluyan ang anak na sumabak sa ring.

Dagdag ng fighting Senator, ang panganay niya ay talagang nasa puso ang boksing, nagkaroon din ng kakaibang bonding ang mag-ama dahil kasama sa training ni PacMan si Jimuel.

Napansin ng mga kababayan ang pagsama ng mas batang Pacquiao kay Manny sa training camp mula sa early morning run sa Pan Pacific-Griffith Park ni PacMan hanggang sa light boxing workout sa WildCard Gym.

Sa ngayon maaga pa para ikumpara ang magiging karera ni Jimuel sa kanyang ama na si Manny na tinitingala buong mundo dahil sa aking lakas at bilis sa loob ng ring. 

Panahon lamang ang makakapagsabi kung mapapantayan o mahihigitan ni Jimuel ang naiuwing karangang ng nag-iisang Manny Pacquiao.

Share
Go top